Paano Mag-Update ng Impormasyon sa AFP PGMC Para Makatanggap ng Benepisyo

Paunawa: Ako ay hindi nauugnay sa AFP PGMC at hindi ako maaaring mag-handle ng mga bagay-bagay tungkol sa pension. Ako po ay anak lamang ng isang pensioner na gustong tumulong sa mga taong may parehong problema.

Dahil ang kaarawan ng aking ina ay malapit na, nagpatulong sya sa akin para mag-update ng impormasyon nya sa AFP Pension and Gratuity Management Center (AFP PGMC).

Sa aking pagkakaalam, lahat ng bagay tungkol sa mga benepisyo para sa mga retirado at mga naiwan ng mga namatay na sundalo ay hawak ng ahensyang ito. Bawat taon bago ang kaarawan ng kahit na sinong retirado o dependyente, sila ay dapat pumunta sa kahit saan mang PGMC office para patunayan na sila ay buhay pa at dapat makatanggap ng mga benepisyo para sa susunod na taon. Kailangan din na ma-update ang kanilang impormasyon sa sistema ng PGMC kung sakaling may nagbago man.

Ang proseso ay gumagana ng walang problema hanggang dumating ang pandemya. Dahil lahat ng mga tao ay inaasahan na manatili sa loob ng bahay at umiwas sa ibang tao hangga’t maaari, ang prosesong ito ay naging mas mahirap para sa mga pensionado na gustong gawin ang taon-taon nilang gawain. Mabuti na lang, may solusyon na para dito: ang online appointment system ng PGMC.

Ang problema nga lang, walang masyadong impormasyon tungkol dito sa internet. Alam kong maraming hindi nakakaalam nito dahil marami akong nakitang mga retirado sa AFP PGMC Facebook page na nagpopost ng kanilang mga personal na impormasyon sa comments, namamag-asa na ma-update ang mga impormasyon nila.

Hindi lamang ito ay maling gawin. Delikado din ito dahil posible na may ibang tao na magnakaw ng kanilang pagkakakilanlan. Kaya naisip kong gamitin ang aking plataporma para ipaalam sa mga tao kung paano ito gawin ng tama.

Una, buksan ang AFP PGMC Website sa inyong browser.

Hanapin ang link papunta sa Online Pensioners Appointment System (O/PAS) para mag-set ng appointment. Pagka-click nito, mapupunta ka sa O/PAS Login Form.

 

Sa O/PAS Login Form, piliin ang AFP Pensioners Online Updating. I-click ang Next.

 

Piliin ang petsa at oras kung kailan gustong mangyari ang appointment.

 

Ibigay ang mga sumusunod na impormasyon:

  • Uri ng transaksyon (piliin ang Resumption of Pension)
  • Apelyido, Pangalan, Panggitnang Inisyal, at Suffix (NA kung walang suffix ang buong pangalan)
  • BALIDO na Contact Number
  • BALIDO na Skype Account
  • BALIDO na Email Address
  • Huling 5 na numero sa bank account number kung saan natatanggap ang pension

 

Kapag naibigay na ang lahat ng impormasyon na kailangan, i-click ang Verify. Isang mensahe ang lilitaw na nagsasabing naitala na ang appointment. Para sigurado, ang PGMC system ay magpapadala ng kumpirmasyon sa email address na iyong binigay.

Sa petsa at oras ng appointment, siguraduhin lang na nakahanda na ang lahat ng kailangan. Ang PGMC representative ay magtatanong tungkol sa pagkakakilanlan, serial number, at AFP ID ng military personnel. Kung ikaw ay isang dependyente, halimbawa isang biyuda/biyudo, kailangan mong ibigay ang iyong pagkakakilanlan, ang serial number ng iyong yumaong asawa, at iyong sariling AFP ID.

Siguraduhing natatandaan ang petsa at oras na iyong binigay dahil tatawag sila gamit ang Skype sa loob ng oras na iyon. Dahil sa pandemya, limitado lang ang mga nasa trabaho, kaya kung sakaling hindi sila tumawag sa loob ng oras na iyong ibinigay, bigyan mo pa sila ng isa pang oras para tawagan ka. Noong kami ang nagpapa-update, tumawag sila 15 minuto bago natapos ang appointment na pinili namin.

Ito ang tamang paraan para i-update ang inyong impormasyon sa AFP PGMC. Kung meron kayong mga katanungan, huwag mag-atubili na mag-post ng comment at gagawin ko ang aking makakaya para magbigay ng sagot. Paunawa lang po na sana huwag kayong mag-post ng inyong mga pagkakakilanlan dito dahil, tulad ng nasabi sa itaas, hindi ako nauugnay sa AFP PGMC. Ang gusto ko lang ay makatulong, at sana, nakatulong ako.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *